Nagwawala, nagsasabog, tumatawag ng pansin, ayaw paawat sa pagsikat ang mga mahilig magpasikat, maangas, maepal at adik sa publicity. Maraming ganyan ang trip sa buhay kahit saan sa showbiz, sa gobyerno, sa kainan, sa iskuwelahan, sa kanto at kahit sa banyo (kumakanta kahit siya lang ang natutuwa sa kanta nya).            

Noong panahon ng mga sinaunang Pilipino hindi masyadong uso o wala sa isip ng mga kalahi natin ang konsepto ng pagiging sikat. Hindi mahalaga ang malaking pangalan, ang mahalaga ay ang silbi nila sa isang cycle ng buhay. Ang lahat ay nag-iisip kung papa’no madaling makakahuli ng hayop para may makain ang isang malaking komyunidad o baranggay. Pero ngayon sa tao (lalo na yung mahilig sa power tripping) mas nauunang kumustahin ang kamera, ang reporter o ang sobreng iaabot sa kanya. Pag may nakamonitor kailangan, poise, pang-headline ang dating, excellent, una ang public interest. Pag walang matang nakasubaybay, na ang ibig sabihin no’n ay walang publicity ganito ang dayalog: “Gusto nyo pagpapatayin ko kayo pag di kayo tumigil”, “Anong public interest, e kung public interesin ko mukha mo?” Ganyan ang bisyo ng malalaki at ilang maliliit na tao, ang bisyong mukhang makakasama na natin hangga’t may natitirang tao sa mundo.           

Ang pagpapasikat, camera, showbiz, gobyerno at artista ay mga konseptong pinamamayanian ng komersyalismo. Ang sistema ng paglikha ng paraan para magpakilala, makahawa, makakumbinse at para kumita ng maraming pera.           

Lahat ng bagay, kaisipan, sitwasyon at larangan na vinirus ng komersyalismo ay humihina at kung minsan ay nawawala pa ang primary objective nito kung bakit ito umiiral sa mundo. Halimbawa ang TELEBISYON. Sa dami ng mga palabas tila idinidikta nitong mas mainam pang manuod kesa atupaging ayusin ang buhay. Nilikha ang TELEBABAD, TELEDRAMA, Dramarama sa Hapon, mga palabas na humuhuli sa interes ng tao para bumabad sa panunuod, mga palabas na pang-marathon, pang-ubos ng panahon. Hindi ko gustong maging KAPAMILYA o KAPUSO, ang konsepto ng ganitong uri ng relasyon ay kulang sa sinseridad ng dalawang partidong kasangkot, ang pinanunuod at ang nanunuod.  Katulad din naman ng sigarilyo. Kung walang komersyalismo di sana walang komersyal ng sigarilyo. Naisip ko lang kasi minsan habang nanunuod ng komersyal ng isang brand ng yosi. Yung lalaki may magic ang bawat pitik ng kanyang kamay, pag may trobol ang solusyon nya lagi ay pumitik at instant matatakasan nya ang mga dapat nyang takasan. Sa ending ng komersyal dinala sila sa bilbord ng yosi kasama yung isang seksing babae. Bago matapos ang patalastas may lalaking magsasalita, “Cigarette smoking is dangerous for your health”. Wow, ang galing di ba, kinokomersyal nila ang isang bagay na puwedeng ikamatay ng sinuman. Hindi ko talaga matanggap yung ganung klaseng kalokohan.

Hindi ligtas ang panitikan sa komersyalismo. Dahil dito humihina rin o lumalabo ang dahilan kung bakit ba may panitikan ang alinmang bansa. Tukuyin nating halimbawa ang maraming mga paligsahan sa mga paaralan at unibersidad. Sa unang tingin, ang rasyunal ng ganitong mga contest ay upang mabigyang oportunidad ang mga kalahok na may potensyal din talaga sa pagsusulat. Pero ang nakakatakot sa ganung lagay, yung pagkatrap ng isip ng tao na ang contest ay magandang moral boost para ka patuloy na magsulat. Hindi ko sinasabing itigil na ang pagsasagawa ng mga paligsahan sa panitikan, ang kailangan nga lamang ay mailagay sa tamang perspektibo kung bakit kailangang magpahayag ng isang tao o manunulat. Na hindi ka nagsulat ng matino para ka makakuha ng 1st prize, ginawa mo yun kasi may nakita kang maganda, kulang o mali sa isang pangyayari o kalagayan.     

Noong panahon ng mga Amerikano nagsimula ang ganitong konsepto sa panitikan, tinawag ito ni Jun Cruz Reyes na “Art for art sake”. Karamihan sa mga kuwentong naisulat pang-contest. Ang pagsusulat ginagamit para makagawa ng malaking pangalan.     

 Naniniwala akong sa unang puntong inihain ko ay nagkatugma ang mga iniisip natin, dahil sa palagay ko rin karamihan sa’tin dito ay umaangkin na tayo ay KAPUSO o KAPAMILYA.           

Pangalawa na gusto kong bigyang pansin sa kasalukuyan ay ang patuloy na pagdami ng mga pelikula at palabas sa TV na kinopya lang naman ang konsepto mula sa ibang bansa (yun ngang iba yun na mismo ang pinapalabas pinapatungan na lang ng dayalog na Tagalog).        

Ito na daw kasi ang panahon ng cultural diversity, global community, multi-cultural nation at worldwide connection. Kaya hayaan na ang pagpasok ng sangkaterbang mga bagay, konsepto, kultura at istorya ng ibang mga lahi sa mundo. Yon ang dapat na mangyari at yon ang idinidikta ng pangangailangan ng alinmang bansa.   

Sa kaso natin, matagal na tayong naadik sa impluwensya ng ibang lahi at lalo itong nadiin sa mga isip natin noong ang Marimar ay naipalabas sa Channel 9. Ang tsismis dati, marami sa mga lalaking Pinoy ala sais pa lang ng gabi ay nasa bahay na, hindi dahil excited na makasama ang asawa o anak, kundi excited na makita si Marimar. Naging senyales yon para isipin ng ibang mga istasyon na meron na silang bagong produkto na puwedeng iofer sa manunuod na Pilipino. Hindi nagtagal, sumunod ang Channel 2, sinerye nila ang Maria Mercedes na si Thalia din naman ang bida, na mas nauna pa pala niyang ginawa bago ang Marimar. At ang mga sumunod na nangyari sa primetime ng bawat istasyon ay hindi ko na kailangan pang detalyehin, dahil alam nating lahat nagsimula na ang adiksyon natin sa mga ganitong uri ng palabas. Si Marimar hinayaan nating bumalik at muli tayong nainlab sa karakter nya.       

 Totoong kailangan ng integrasyon ng ibang kultura patungo sa orihinal na anyo ng isa pang kultura upang magpatuloy ito sa pag-unlad. Sa palagay ko naman ay matagal ng malinaw sa’ting lahat ang tungkol sa bagay na yan kaya naman naniniwala akong hindi na natin kailangan pang ipagdiinan ang mensaheng iyan sa mga Pilipino. Ang kailangan ngayon ay matutunan nating gamitin ang pagka-flexibol ng ating kultura upang unti-unting makaangat sa isang masagwang kalagayan.      

Ang panlaping TELE batay sa UP Diksyonaryong Filipino ay nangangahulugang pambuo ng pangalan ng mga instrumentong gumagana sa malayo o nang malayo. Dito natin huhugutin ang kabuuang layunin ng TELEPANITIK, ang pagpapagana ng panitikang Pinoy patungo sa mga bahay hanggang kusina ng kahit na sinong Pilipino sa mundo. Isang panitikang nagugustuhan ng kahit na sino kahit hindi pa ituro sa iskuwelahan o iutos na basahin.      

Ang Unang Labas ng TELEPANITIK ay may temang “Panitikang Mula sa Tao, Para sa Tao”. Ang rasyunal ng temang ito ay matatag na nakatungtong sa paniniwalang maraming uri ng libangan, gawain at larangan sa kasalukuyan ang patuloy na kinakain ng komersyalismo at impluwensyang hindi pang atin. At dahil dito kailangan ng isang magaan, masaya, dinamiko at di bakya o makalumang pagkilos upang mapagtagumpayang talunin ang masasamang impluwensyang ito na patuloy na nagpapababa sa kalidad ng tao sa pangkabuuan. Ito ang puwedeng magawa ng Panitikang nagmula sa Tao, hindi ito pagsasawaang basahin at usyosohin dahil sa kanila ito mismo nagmula at hindi ibinunga ng komersyal na sistema.      

Sa ikalawang labas ng TELEPANITIK, ang pagbubuo ng tema nito ay iminumungkahi kong pagtulung-tulungan nating buuin.         

Sa ilang sandali ang mga kaibigan natin mula sa Screenwriters’ Guild of the Philippines ay magbabahagi ng kanilang karanasan at kaalaman sa pagsusulat, naniniwala akong mas magiging madali ang pagtanggap sa dalawang araw na seminar na ito kung iisipin nating nasa gimikan o inuman lang tayong lahat at nakikipagkuwentuhan sa mga ordinaryong tao.           

Yun lamang at para sa pagbabago, mabuhay ang panitikang Pilipino.       

             

Binasang panimulang pananalita: TELEPANITIK, Bulacan State University Setyembre 24, 2007                 

Ang pagiging malikhain ay taglay na ng mga Pilipino sa simula pa lang ng pagbubuo niya bilang mamamayan. Marami ng mga nahukay na historical artifacts na nagpapatunay na ang mga sinaunang Pilipino noon pa man ay may malaking pagpapahalaga na sa masining na paglikha ng mga bagay-bagay. Sa palagay ko’y isa itong katotohanan na sasang-ayunan naman nating lahat.

Para sa okasyong ito partikular nating bigyang pansin ang pagkamalikhain ng mga manunulat sa ating bansa. Unahin na nating banggitin si Francisco “Balagtas” Baltazar, ang kanyang mga sinulat ay laging nakakonsentra sa mga problemang kasangkot ang Pilipinas at Espanya. Ginamit niya ang kanyang naiibang paraan ng pagsulat sa Florante at Laura upang malusutan ang sobrang paghihigpit ng lupon ng sensura ng mga paring prayle sa mga akdang makabayan. Inakala tuloy ng mga Kastila na ang Florante at Laura ay isang simpleng kasaysayan ng pag-iibigan. Isunod nating tukuyin ang playwriter na si Juan K Abad sa dulang Tanikalang Ginto, ang mga tauhan dito ay ginamitan ng mga simbolong pangalan ng hindi mahalata ng mga Amerikano na ang dulang ito ay may temang patungkol sa nasyonalismo. Sa panahon naman ng Hapon ayon sa tala ng kasaysayan ito ang tinaguriang “Gintong Panahon ng Maikling Kuwento at Dulang Tagalog.” Ang mga manunulat na Pilipino sa wikang Tagalog sa panahong ito ay nabigyang pagkakataong maipakita ang lalim at lawak ng kanilang mga panulat. Dahil ang paggamit ng Ingles sa panahong iyon ay mahigpit na ipinagbawal ng mga Hapon.

Sa nakaraan, marami ng mga patunay sa pagiging malikhain ng ating lahi, at sa kasalukuyan ang pagkamalikhaing ito ay patuloy na nagiging instrumento hindi lamang sa pang-indibidwal na ekspresyon kundi lalo’t higit sa pagtatagni-tagni ng mga nagkakaiba-ibang identidad, damdamin at kamalayan. Ang panulat ng mga manunulat sa kontemporanyong panahon ay hindi na lamang nagmumulat ng mga kaisipan idinudugtong din nito ang nawawalang ugnayan ng tao sa kanyang kapwa.

Ayokong ilayo ang inyong paningin sa paghahanap ng mga pruweba sa pagkamalikhain ng mga manunulat na Pilipino sa kasalukuyan. Sa ating pamantasan (BulSU) maituturing na isang lehitimong institusyon ang Pacesetter sa pampaaralang pamamahayag (pag staffer ka ng Pace parang astig ang feeling bilang isang student-writer). Kamakailan lamang ay hinirang ang Pacesetter bilang overall champion sa Regional Tertiary Press Congress.

Sa kanilang hanay patuloy na nagbubunga ng tagumpay ang bawat patak ng emosyon at idealismo sa kanilang mga panulat at ang bawat retaso ng kaalaman ay napagtatagni-tagni upang maitawid ang kasalukuyan sa kinabukasan.

Sa taon ding ito inilunsad ng IAL Talent Center, ang isa sa tatlong sangay nito, ang PenKO (Panitikan, Ekspresyon, Nasyonalismo sa Kaisipan at Obra) ang mga student-writer na miyembro nito dala ang kanilang mga karanasan sa pagsusulat ay nagsagawa ng Basic Creative Writing Workshop sa isang public high school sa bayan ng Baliuag. Isinagawa ang pagsasanay na ito bilang bahagi ng Extention Program ng IAL. Kaagad na naramdaman ng mga fascilitator na student-writer ang willingness ng mga participants na makasulat.

Sa PenKO ang pagkamalikhain ng isang manunulat ay laging pang-indibidwal ang pagkilala. Ang PenKO ay PenKO at ang pen mo ay pen mo, in short kani-kanyang style lang yan.

Marahil napansin ninyo na ang buong bahagi ng konseptong-papel na ito ay nagbibigay patunay at paliwanag sa pagkamalikhain ng mga manunulat na Pilipino, sinadya ko po ito upang makita natin ng malinaw ang naging silbi ng pagkamalikhaing ito sa kalagayan natin ngayon bilang isang bansa. Ngunit kung iisipin hindi isang garantya na ang lahat ng kakayahan na may silbi (gaya ng pagkamalikhain) ay hindi na nga maaaring mawala. Didiretsuhin ko na ang gusto kong sabihin, bilang huling bahagi ng aking pagsasalita.

“Matagal ng panahong inaalalayan ng mga manunulat ang ating bansa. Marahil, ito naman ang tamang panahon para sila naman ang ating alalayan.”

Muli po, magandang umaga sa inyong lahat.

 

 

 

                                                    Binasang panimulang Pananalita sa programa ng

                               PenKO­- Valuing the Writers Creative Mind by Protecting His Rights

                                                                BULACAN STATE UNIVERSITY

                                                                            November 21, 2007

Simulan Na

December 7, 2007

Edel Larin
Thursday, December 6, 2007

Hit na hit sa usapan ang tapang ni Senador Antonio Trillanes IV–parang superhero ang dating. Naghuramentado, nagsisigaw ng pagbabago para sa bayan. May nanggugulo raw sa atin. Ayon sa kanya, ang kanyang ginawa ay isang obligasyong moral sa bayan para sa katulad nyang sundalo.

Ang mga anti-Gloria, nagdiwang sandali; akala nila’y ito na ang simula ng pagbagsak ni Tita Glo, pero marami ang napigil ang pag-utot dahil pagkatapos ng ilang oras na tensyon ay sumuko rin sina Trillanes at Lim (Gago ka ba! Ikaw kaya ang sugurin ng higit 2,000 sundalo at tangke!).

Okey, ang sabi sa mga bulung-bulungan ay marami pang susunod na attempt para masabunutan na nang husto si Gloria. Dalawang grupo pa raw ng mga militar ang naghihintay ng tamang timing kung kelan nila ipapakita ang kanila namang paghuhuramentado (Nakakabilib yon, sa totoo lang–kasi isipin naman natin, sa kanila todo-taya na lahat at pag nasilat sila, sila ang yari kay Tita Glo, sabunot bakla ang aabutin nila, ha ha ha!). At sa kaso ng ibang mga militanteng grupo, magkakasa sila ng malawakan at mga pambansang protesta (Okey din yon, dahil iyon naman talaga ang boses ng tao, palayasin ang mga nakaka-high blood na personalidad sa Malakanyang).

Iba’t ibang mga sektor ang patuloy na nag-iisip ng mga plano kung papa’no at ano nga ang maganda. Isip… isip… isip… 1… 2… 3… (Nakakainip-ang tagal-tagal, ang dami ng gustong iutot ang sama ng loob nila sa unfair na gobyernong ito). Kahit na ibang mga pulitiko, mapa-oposisyon, o hindi man (Yung mga nakiki-oposisyon, iyan yung ibang timing ang hinihintay, idol kasi nila si Gloria kaya gusto nila syang palitan he he he!–ang mapikon, BISTO) walang tigil sa kaka-submit ng complaint at impeachment case laban kay, syempre pa Gloria ulit (Yun nga lang numbers game daw yun kaya wala rin, pero okey na rin sila, kasi in a way nalalaman ng bayan ang ilang mga lihim ng administrasyon).

Eto ang malupit, pati mga religious, group ginagamit na rin nila ang kanilang kongregasyon at mga pagpupulong (sama na pati fellowship) para tirahin si Gloria (Kawawang Gloria, kaunti na lang ang padrino nya pagdating ng langit, kasi karamihan sa religious leader galit sa kanya he he he, hirap talagang maging pangulo, pati kinabukasan sa langit nadaamay). Ang mga sermon, bible study at kung ano-ano pang spiritual gatherings, ang best example pag gustong ipakita o ipotray ang isang bad image, gobyerno.

Ayan, maraming senaryo ng hakbang patungo raw sa pagbabago, mga personalidad na naghahanap ng katarungan na para raw sa marami. Paulit-ulit na hinaing ng pagkadismaya sa pamahalaan. Totoo naman ang lahat ng iyan, kahit sinong tumingin walang nangyari sa Pilipinas sa lumipas na maraming bilang ng dekada at mga taon.

Simula pa noon, na hindi pa tayo republika–kumbaga sa public vehicle, kolorum–wala pang lisyensya para magpagpag ng kayang gawin (kahit may kaya namang gawin) at hanggang ngayong isa na tayong tunay na bansang nasa loob ng community ng United Nations, wala na tayong tigil sa kakasigaw para sa pagbabago at pagpapalit ng pinuno na mamumuno sa atin. Hindi tayo nauubusan ng mga bayani sa bawat panahon ng pag-aaklas at rebolusyon. Patuloy na may nagsasalita para sa kapakanan ng kanyang kapwa Pilipino. At totoong nakakatuwa at nakakahanga ang pangyayaring ito. Mga totoong Pilipinong nag-isip ng maganda hindi para sa sarili kundi para sa bayan. Pero ganun pa man ang mga kilos na ito sa nakaraan at maging sa kasalukuyan ay humahantong pa rin sa kabiguan ng maraming umasa sa simula… at sa ipinangakong pagbabago.

Ang bawat sigaw, hakbang sa pagbabago at pag-unlad, ang bawat protesta sa kalsada, ang pagpapatalsik sa kasalukuyang rehimen at iba pang mga aktuwasyon para magkaroon ng panibagong simula ay hindi lamang dapat mangako sa umpisa ng isang palsong pag-asa.

Sa mga naghangad, naghahangad at maghahangad na muli tayong magsimula ng bago, gusto ko lang sanang sabihin na matagal na tayong nagsimula, kaya panahon na para marating na natin kung anuman ang ating sinimulan.

Hello world!

December 7, 2007

Welcome to WordPress.com. This is your first post. Edit or delete it and start blogging!