Nagwawala, nagsasabog, tumatawag ng pansin, ayaw paawat sa pagsikat ang mga mahilig magpasikat, maangas, maepal at adik sa publicity. Maraming ganyan ang trip sa buhay kahit saan sa showbiz, sa gobyerno, sa kainan, sa iskuwelahan, sa kanto at kahit sa banyo (kumakanta kahit siya lang ang natutuwa sa kanta nya).            

Noong panahon ng mga sinaunang Pilipino hindi masyadong uso o wala sa isip ng mga kalahi natin ang konsepto ng pagiging sikat. Hindi mahalaga ang malaking pangalan, ang mahalaga ay ang silbi nila sa isang cycle ng buhay. Ang lahat ay nag-iisip kung papa’no madaling makakahuli ng hayop para may makain ang isang malaking komyunidad o baranggay. Pero ngayon sa tao (lalo na yung mahilig sa power tripping) mas nauunang kumustahin ang kamera, ang reporter o ang sobreng iaabot sa kanya. Pag may nakamonitor kailangan, poise, pang-headline ang dating, excellent, una ang public interest. Pag walang matang nakasubaybay, na ang ibig sabihin no’n ay walang publicity ganito ang dayalog: “Gusto nyo pagpapatayin ko kayo pag di kayo tumigil”, “Anong public interest, e kung public interesin ko mukha mo?” Ganyan ang bisyo ng malalaki at ilang maliliit na tao, ang bisyong mukhang makakasama na natin hangga’t may natitirang tao sa mundo.           

Ang pagpapasikat, camera, showbiz, gobyerno at artista ay mga konseptong pinamamayanian ng komersyalismo. Ang sistema ng paglikha ng paraan para magpakilala, makahawa, makakumbinse at para kumita ng maraming pera.           

Lahat ng bagay, kaisipan, sitwasyon at larangan na vinirus ng komersyalismo ay humihina at kung minsan ay nawawala pa ang primary objective nito kung bakit ito umiiral sa mundo. Halimbawa ang TELEBISYON. Sa dami ng mga palabas tila idinidikta nitong mas mainam pang manuod kesa atupaging ayusin ang buhay. Nilikha ang TELEBABAD, TELEDRAMA, Dramarama sa Hapon, mga palabas na humuhuli sa interes ng tao para bumabad sa panunuod, mga palabas na pang-marathon, pang-ubos ng panahon. Hindi ko gustong maging KAPAMILYA o KAPUSO, ang konsepto ng ganitong uri ng relasyon ay kulang sa sinseridad ng dalawang partidong kasangkot, ang pinanunuod at ang nanunuod.  Katulad din naman ng sigarilyo. Kung walang komersyalismo di sana walang komersyal ng sigarilyo. Naisip ko lang kasi minsan habang nanunuod ng komersyal ng isang brand ng yosi. Yung lalaki may magic ang bawat pitik ng kanyang kamay, pag may trobol ang solusyon nya lagi ay pumitik at instant matatakasan nya ang mga dapat nyang takasan. Sa ending ng komersyal dinala sila sa bilbord ng yosi kasama yung isang seksing babae. Bago matapos ang patalastas may lalaking magsasalita, “Cigarette smoking is dangerous for your health”. Wow, ang galing di ba, kinokomersyal nila ang isang bagay na puwedeng ikamatay ng sinuman. Hindi ko talaga matanggap yung ganung klaseng kalokohan.

Hindi ligtas ang panitikan sa komersyalismo. Dahil dito humihina rin o lumalabo ang dahilan kung bakit ba may panitikan ang alinmang bansa. Tukuyin nating halimbawa ang maraming mga paligsahan sa mga paaralan at unibersidad. Sa unang tingin, ang rasyunal ng ganitong mga contest ay upang mabigyang oportunidad ang mga kalahok na may potensyal din talaga sa pagsusulat. Pero ang nakakatakot sa ganung lagay, yung pagkatrap ng isip ng tao na ang contest ay magandang moral boost para ka patuloy na magsulat. Hindi ko sinasabing itigil na ang pagsasagawa ng mga paligsahan sa panitikan, ang kailangan nga lamang ay mailagay sa tamang perspektibo kung bakit kailangang magpahayag ng isang tao o manunulat. Na hindi ka nagsulat ng matino para ka makakuha ng 1st prize, ginawa mo yun kasi may nakita kang maganda, kulang o mali sa isang pangyayari o kalagayan.     

Noong panahon ng mga Amerikano nagsimula ang ganitong konsepto sa panitikan, tinawag ito ni Jun Cruz Reyes na “Art for art sake”. Karamihan sa mga kuwentong naisulat pang-contest. Ang pagsusulat ginagamit para makagawa ng malaking pangalan.     

 Naniniwala akong sa unang puntong inihain ko ay nagkatugma ang mga iniisip natin, dahil sa palagay ko rin karamihan sa’tin dito ay umaangkin na tayo ay KAPUSO o KAPAMILYA.           

Pangalawa na gusto kong bigyang pansin sa kasalukuyan ay ang patuloy na pagdami ng mga pelikula at palabas sa TV na kinopya lang naman ang konsepto mula sa ibang bansa (yun ngang iba yun na mismo ang pinapalabas pinapatungan na lang ng dayalog na Tagalog).        

Ito na daw kasi ang panahon ng cultural diversity, global community, multi-cultural nation at worldwide connection. Kaya hayaan na ang pagpasok ng sangkaterbang mga bagay, konsepto, kultura at istorya ng ibang mga lahi sa mundo. Yon ang dapat na mangyari at yon ang idinidikta ng pangangailangan ng alinmang bansa.   

Sa kaso natin, matagal na tayong naadik sa impluwensya ng ibang lahi at lalo itong nadiin sa mga isip natin noong ang Marimar ay naipalabas sa Channel 9. Ang tsismis dati, marami sa mga lalaking Pinoy ala sais pa lang ng gabi ay nasa bahay na, hindi dahil excited na makasama ang asawa o anak, kundi excited na makita si Marimar. Naging senyales yon para isipin ng ibang mga istasyon na meron na silang bagong produkto na puwedeng iofer sa manunuod na Pilipino. Hindi nagtagal, sumunod ang Channel 2, sinerye nila ang Maria Mercedes na si Thalia din naman ang bida, na mas nauna pa pala niyang ginawa bago ang Marimar. At ang mga sumunod na nangyari sa primetime ng bawat istasyon ay hindi ko na kailangan pang detalyehin, dahil alam nating lahat nagsimula na ang adiksyon natin sa mga ganitong uri ng palabas. Si Marimar hinayaan nating bumalik at muli tayong nainlab sa karakter nya.       

 Totoong kailangan ng integrasyon ng ibang kultura patungo sa orihinal na anyo ng isa pang kultura upang magpatuloy ito sa pag-unlad. Sa palagay ko naman ay matagal ng malinaw sa’ting lahat ang tungkol sa bagay na yan kaya naman naniniwala akong hindi na natin kailangan pang ipagdiinan ang mensaheng iyan sa mga Pilipino. Ang kailangan ngayon ay matutunan nating gamitin ang pagka-flexibol ng ating kultura upang unti-unting makaangat sa isang masagwang kalagayan.      

Ang panlaping TELE batay sa UP Diksyonaryong Filipino ay nangangahulugang pambuo ng pangalan ng mga instrumentong gumagana sa malayo o nang malayo. Dito natin huhugutin ang kabuuang layunin ng TELEPANITIK, ang pagpapagana ng panitikang Pinoy patungo sa mga bahay hanggang kusina ng kahit na sinong Pilipino sa mundo. Isang panitikang nagugustuhan ng kahit na sino kahit hindi pa ituro sa iskuwelahan o iutos na basahin.      

Ang Unang Labas ng TELEPANITIK ay may temang “Panitikang Mula sa Tao, Para sa Tao”. Ang rasyunal ng temang ito ay matatag na nakatungtong sa paniniwalang maraming uri ng libangan, gawain at larangan sa kasalukuyan ang patuloy na kinakain ng komersyalismo at impluwensyang hindi pang atin. At dahil dito kailangan ng isang magaan, masaya, dinamiko at di bakya o makalumang pagkilos upang mapagtagumpayang talunin ang masasamang impluwensyang ito na patuloy na nagpapababa sa kalidad ng tao sa pangkabuuan. Ito ang puwedeng magawa ng Panitikang nagmula sa Tao, hindi ito pagsasawaang basahin at usyosohin dahil sa kanila ito mismo nagmula at hindi ibinunga ng komersyal na sistema.      

Sa ikalawang labas ng TELEPANITIK, ang pagbubuo ng tema nito ay iminumungkahi kong pagtulung-tulungan nating buuin.         

Sa ilang sandali ang mga kaibigan natin mula sa Screenwriters’ Guild of the Philippines ay magbabahagi ng kanilang karanasan at kaalaman sa pagsusulat, naniniwala akong mas magiging madali ang pagtanggap sa dalawang araw na seminar na ito kung iisipin nating nasa gimikan o inuman lang tayong lahat at nakikipagkuwentuhan sa mga ordinaryong tao.           

Yun lamang at para sa pagbabago, mabuhay ang panitikang Pilipino.       

             

Binasang panimulang pananalita: TELEPANITIK, Bulacan State University Setyembre 24, 2007                 

Leave a Reply